K-12 Curriculum

K-12 Curriculum
Ano nga ba ang K-12 curriculum? Ano ano ang positibo at negatibo na epekto nito sa atin? Naging madali ba ang pagpapatupad sa nasabing kurikulum? Ito ba ay isang susi sa pag-unlad ng ating bansa? Lahat ng mga katanungan na ito ay masasagot at tatalakayin natin upang tayo ay malinawan sa kung ano nga ba talaga ang K-12 at anong tunay na layunin nito.
Ang K-12 ay isang programa na naglalayon na baguhin ang sistema ng edukasyon sa ating bansa. Ito ay pagdadagdag ng dalawang taon sa sampung taon ng kurso. Sa programa na ito, ginawang mandatory ang pagpasok ng mga bata sa kindergarten, nagkakaroon din ng junior highschool (grade 7-10) at senior highschool (11-12). Para sa kaalaman ng lahat, tanging ang Pilipinas na lamang ang mayroong sampung taon ng basic education sa buong Asya, kaya naman ipinatupad ng pamahalaan at ang kagawaran ng Edukasyon ang K-12 kurikulum. Hindi naging madali ang proseso sa pagpapatupad sa nasabing kurikulum, sa kadahilanan na madami ang nagsasabi na nagkulang ang pamahalaan sa mga paghahanda sa pag-iimplementa nito, pero may ilan din na sumasang-ayon dito, upang magkaroon tayo ng mas magagaling na mamamayan upang umunlad ang ating lipunan. Ang tao ay may iba’t ibang paniniwala, kaugalian, opinion at pananaw sa buhay. Kaya naman madami ang may hinaing tungkol sa k-12 kurikulum at nagbigay ng kani-kanilang sariling opinion hinggil dito. Maraming estudayante, magulang at pati na rin ang mga guro ay pinag-uusapan ang bagong kurikulum. Karamihan sa kanila hindi sang-ayon  sa bagong kurikulum dahil sa kahirapan sa buhay ngunit may iba rin na sumang-ayon dito, dahil ang kaalaman ng mga estudyante ay magiging advance, dahil may mga asignatura na makukuha na nila, na noon ay mapag-aaralan mo lamang kapag ikaw ay nasa kolehiyo. Nagiging mas handa at mahusay ang mga kabataan sa kukunin na kurso dahil ang kurikulum na ito ay nahahati sa iba’t ibang programa o track, na kung saan nahuhubog o naiispecialize ang kurso na nais nila. Kung hindi na kaya ng mga magulang mo na pag aralin ka sa kolehiyo ngunit natapos mo ang senior highschool ay maaari ka ng magtrabaho. Ang mga nagsisipagtapos sa programang k-12 ay maaari ng ituring na mga propesyunal at may mataas na pinag-aralan sa ibayong dagat at higit sa lahat ito ay naglalayon na tulungan ang ating mga kabataan at pantayan ang sistema ng edukasyon hindi lamang sa buong Asya, kung hindi sa buong mundo. Kung nakapagtapos ka sa dating kurikulum at halimbawa isa ka ng propesyunal na Doktor at nais mong magtrabaho sa ibang bansa, kinakailangan mo munang mag-aral pa ng dalawang taon, dahil iniisip nila na kulang pa ang iyong kaalaman sa kadahilang kulang nga ng dalawang taon ang iyong pag-aaral, kung kaya’t kakailanganin mo na mag-aral ulit ng dalawang taon upang sa gayon ay maging isa kang propesyunal na Doktor. Ang k-12 ay ipinatupad upang makipag kompetensiya at makipagsabayan sa ibang bansa. Ang layunin ng k-12 ay upang mas maging handa ang mga kabataan sa tatahaking landas pagdating ng araw. Kung may mga positibong layunin, marami din namang mga negatibong layunin ang programang ito. Madaming kabataan ang hindi na kailangang makapagtapos ng kolehiyo dahil  ayon nga sa DepEd hindi na kailangan  na makapagtapos ng kolehiyo para magkaroon ng trabaho, parang hinihikayat ng programang ito na ayos lang kahit hindi ka na mag-aral ng kolehiyo. Dahil sa iilan na lamang ang nais magtapos sa kolehiyo ang badget sa edukasyon ay bababa.  Madami pa ang mga paaralan ang hindi pa handa sa bagong kurikulum dahil sa kakulangan ng silid aralan. Ang mga estudyante ay napipilitan na magklasrum  sa silong ng manga o sa kanilang stage, kulang na kulang din ang mga guro kaya kahit hindi sila dalubhasa sa sabjek na kanilang ituturo ay sapilitan parin nila itong ituturo, kulang din ng mga aklat at iba pang mga kagamitan sa pagtuturo at kagamitan sa paaralan. May nagsabi din na hindi ang pagpapatupad ng k-12 ang solusyon sa mababang kalidad ng edukasyon sa ating bansa. Bigyang pansin muna natin ang kahirapan na nararanasan ng ating Inang bayan. Ang tunay na mapagpapataas ng kalidad ng edukasyon sa ating bansa ay ang mataas na badget para sa maayos na gamit sa paaralan tulad ng mga upuan, silid-aralan, libro at iba pang mga pasilidad at gayundin ang mataas na pasahod sa mga guro at kawani sa programang ito. Ang mga kabataan ay naiing-ganyo pumunta sa ibang bansa imbis na hikayatin ang mga ito na maglingkod sa sariling bayan ngunit hindi rin natin masisisi ang ating mga kababayan na lisanin ang Pilipinas para maghanap buhay upang mabigyan ng maginhawang buhay ang kani kanilang mga pamilya. Dapat ang ating bansa mismo ang makinabang sa ating lakas-paggawa imbis na mga dayuhan. Madami man ang tumututol sa programang ito ay wala na silang magagawa dahil ito ay naipatupad  at naaprobahan na. Ang k-12 na ang bagong kurikulum ditto sa ating bansa. Dahil sa programang ito naging indemand ang kurso ng pagiging titser dahil talagang nangangailangan ang mga paaralan ng mga guro na magtuturo, ngunit ang mga gurong ito ay dapat maraming alam na estratehiya o teknik sa pagtuturo. Ang pagtuturo noon ay ibang iba na sa kung papaano ka magturo ngayon. Kung noon ang pagtuturo ay palagi ang sentro ay ikaw na titser, ngayon ay hindi na dapat ay “student centered” na, na ang ibig sabihin ikaw na guro ay dapat ginagabayan at finafacilitate mo lang ang iyong mga estudyante upang sila ay matuto sa kanilang sariling karanasan, kung may tanong o klaripikasyon ang iyong mga estudyante ay dapat sagutin ito ng mas maliwanang upang maintindihan ng mga ito ng mabuti. Dati ang pagtuturo ay hindi ginagamitan ng teknolohiya tulad ng TV, projector, power point presentation, computer at iba pa, pero ngayon ay dapat kasama na ang mga ito sa pagtuturo. Sabin ng ilan ang paggamit ng mga ito ay may positibo at negatibong epekto sa mga mag-aaral tulad na lamang ng; ang mga edtudyante ay nagiging tamad dahil nakadepende na lang sila sa internet, photocopies at iba pa, may nagsasabi din na napapadali ang pagtuturo at pagkatuto gamit ang mga nasabing materyales. Nagiging epektibo ito kung ginagamit natin ito ng maayos at tama. Sa bagong kurikulum madami na ang nagbago sa pagtuturo at pagkatuto ng mga kabataan. Dapat napagtutuunan ng pansin lahat ng mga pangangailangan ng mga estudyante, isinasaalang alang dapat ng mga guro na may iba’t ibang kakayahan ang kanilang mga estudyante kung kayat dapat maging mahusay at malikhain ka sa pagtuturo upang ikaw ay maging mabisa at epektibong guro.
Madami man dinaranas ang ating bansa dapat ay matuto tayong magkaisa upang suportahan  kung ano man ang mga ipinapatupad na batas at mga ordinansa. Ang pagbabago ay dapat magsimula sa ating mga tao, hindi lang dapat tayo magaling sa salita dapat magaling din tayo sa gawa. Sa bagong kurikulum nasabi dito na maaari ka ng magtrabaho kahit hindi ka na magtuloy sa kolehiyo, kaya malaki ang posibilidad na hindi na magtuloy ang mga kabataan sa kolehiyo ngunit dapat may gawin ang pamahalaan upang hikayatin na dapat ay ituloy nila ang kanilang pag- kokolehiyo upang magkaroon tayo ng mga mas mahuhusay na  mga manggagawa na tutugon sa mga pangangailangan ng ating bansa. Ang programang ito ay upang palawigin ang kakayahan ng mga mag-aaral na makapili ng kukuning kurso na naayon sa kanilang mga pangangailangan at layunin sa buhay. May iba’t iba man tayong pagtingin sa kung ano ba ang tunay na layunin ng programang ito, lagi nating iisipin na lahay ng ito ay ikabubuti ng ating bansa at para sa kapakanan ng bawat Pilipino.



Mga Komento

Mag-post ng isang Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang aking Kuya

Extra-Judicial Killings